Ang Labindalawang Utos
2 Huwag kang sasamba, mananalangin ni yuyukod sa mga diyus-diyusan o larawang inanyuan, ni sa sinumang tao, mga pamahalaan, mga hari o pinuno, mga espiritu o anghel, o kahit anuman at sino man maliban sa Panginoon mong Dios.
3 Huwag kang magsusumpa, susumpa ni mangangako man, at babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan sa anumang paraan; bagkus ay panatilihin ang mabuting pag-uugalii na kung saan ang pagsumpa ay salungat sa iyong kalooban.
4 Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin. Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain. Nguni’t ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios. Sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa bagkus ay magtipon-tipon kayong magkakasama ng mga Anak ng Liwanag upang magpatunay at mapagtibay ang bawat isa, mapagbago ang inyong mga tipan, at magbahagi ng mga kaalaman tungkol sa Dios at sa landas ng “Celestine Light.” Maging araw din ito ng pagdalaw sa mga templo ng Dios: ang mga kabundukan, karagatan, desyerto, kagubatan at lahat ng nilalang ng Panginoon mong Dios para saiyo; upang maari mong mapagmuni-muni ang sariling paglalakbay sa landas ng buhay at mapagtibay ang iyong pamilya na malapit sa kalinga ng Dios. Maging araw din ito ng pag-aaral at panalangin, pagmumuni-muni, pagtitipan, pagsisi at pagbabalik-loob, pagbabago, at pamamahinga na siyang maglalapit saiyo sa pamilya at sa Panginoon mong Dios.
5 Ikaw ay templo ng Dios. Huwag mong dudungisan ang iyong templo sa loob man o labas, bagkus ay panatilihing malinis at dalisay upang ang kaluwalhatian ng Panginoon mong Dios ay magliwanag saiyo.
6 Ikaw ay isang sugo ng Panginoon mong Dios; sikapin mong maging karapat-dapat na kinatawan ng kanyang kabanalan, na makita ng iba ang kabutihan saiyo at nang kanilang luwalhatiin ang Panginoon mong Dios. Maging mapagpakumbaba. Gumawa ng mabuti at maging tagapamayapa. Itakwil ang pagiging mapanlinlang at mapagkunwari. Huwag mong itaas ang sarili bagkus ay matuto na magbigay ng papuri sa kapwa. Tingnan ang kabutihan at pagpapala sa mga pagsubok. Ugaliin na hindi madaling magalit ngunit madaling magpatawad. Iwasan ang mga palalo at mapagmataas bagkus ay makipagkaibigan sa mga mabubuti at mababa ang loob. Huwag manghusga ng kapwa at maging mapagtimpi at balanse sa iyong mga saloobin at kilos. Huwag magtaas ng iyong tinig sa hindi makatuwiran na galit o mag-udyok ng karahasan sa salita o gawa. Higit sa lahat, gawin mo sa iba kung ano ang nais mong gawin ng iba sa iyo.
7 Huwag mong iimbutin, ni magiging sakim, ni pagnanakawan, ni dadayain o pagsasamantalahan ang iyong kapwa; huwag kang mag-ipon ng kayamanan sa mundo nang higit sa iyong kailangan. Ipamahagi mo ang labis sa pagtatayo ng Kaharian ng Dios at ng mga Anak ng Liwanag, at nang ikaw ay makapag ipon ng kayamanan sa langit at hindi sa lupa.
8 Huwag kang makikiapid o mangangalunya, o sa anumang paraan ay maging masamang impluwensya sa kabataan.
9 Mahalin mo ang iyong kapwa at ang iyong mga kapatid sa liwanag, maging sa lahat ng kanilang pagkakamali, maging ang Panginoon mong Dios ay mahal ka sa kabila ng iyong kahinaan. Maging mapagbigay sa pagawa ng kabutihan sa iyong kapwa manlalakbay sa landas ng buhay. Huwag kang magbibintang nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa, ni maninirang-puri sa iba. Kung ikaw ay may karaingan, kausapin mo nang mapayapa at huwag idaan sa galit.
10 Igalang at pahalagahan mo ang iyong ama at ina gaya ng pagpapahalaga nila sa iyo ng kanilang panahon, sakripisyo at pag-aaruga. Mahalin mo sila sa lahat ng panahon, at sa pagsapit ng kanilang katandaan, sila ay iyong alagaan bilang ganti ng kanilang pag-aalaga sa iyo.
11 Huwag kang mananakit o papatay ng sino man maliban kung ito ay pagtatanggol ng sarili, pamilya o ari-arian. Huwag kang papatay para kanin ang anumang hayop, ibon, o nilalang sa dagat na may mainit na dugo o mga nilalang na hayop na nangangalaga sa kanilang mga supling, maliban kung panahon ng taggutom at salot na walang makain. Huwag kang makikidigma sa ibang bayan maliban kung ito ay pagtatanggol laban sa pangwawasak ng sarili mong bayan at ipahintulot lamang kung ang lahat ng pakikipagusap para sa kapayapaan ay nabigo. At kung mangyari na kailangan mong kumitil ng buhay sa ganitong kadahilanan, ihingi mo ito ng kapatawaran sa Panginoon mong Dios sa pamamagitan ng ayuno at panalangin nang may pag-ibig at kapayapaan bago ka pumasok muli sa tahanan ng Dios.
12 Maging isang mabuti at tapat na katiwala at tagapangalaga ng Kalikasan at ng lahat ng nilalang dito. Ang magandang daigdig na ito ay ipinagkaloob sa iyo ng Panginoon mong Dios upang masumpungan mo ang lahat ng iyong kailangan. Tanggapin mo ito bilang isang mahalagang kaloob, pangalagaan at linangin at ipasa sa mga susunod na salinlahi.